Problema sa mga mag-aaral sa ilang isla sa Pilipinas ang kawalan ng TV, cellphone at internet, pero tila magiging pagsubok pa ang "new normal" ng edukasyon dahil kailangang magsagawa muna ng online classes sa gitna ng COVID-19 crisis. Paano kaya nila ito haharapin?
Sa ulat ni Izzy Lee sa Stand For Truth, sinabing ilang silid-aralan sa isla ng Almagro sa Samar ang ginawang isolation area sa mga nagbabalik-probinsya kaya hindi sigurado ang mga guro kung makababalik sila sa regular na klase.
"Wala po kaming good internet connectivity so hindi po ganoon ka-accessible ang internet. Pupunta pa ng bundok talaga, sa bundok kami nakakahanap ng internet connectivity. Sabihin man ng DepEd na libre 'yung mga site ng education, 'yung mga kagamitan naman po wala rin sila," pahayag ni Ricky Balat, isang guro sa Almagro.
"Mas maganda po 'yung nasa eskuwelahan kasi 'yung mga guro nakakatulong. 'Yung ibang hindi afford 'yung mga pagbibili gaya ng laptop kasi 'yung iba mahihirap. Kaya kaming mga estudyante mas maganda pa rin na nasa school kami," sabi ni Myles Jamdaniestudyante ni Balat.
Ipinaliwanag ni Department Education Undersecretary Toni Umali na kung walang access sa internet ang mga estudyante, tututukan ng DepEd ang radio-based o TV-based learning modality.
Gayunman, sinabi ni Balat na kinakailangan pa rin ng tulong ng mga guro o magulang, dahil may ilang estudyante na hindi nakatapos ng elementarya.
Ayon naman kay Umali, tinitingnan ng DepEd ang paggawa ng sistema ng bayanihan kung saan ang mga guro ay magtuturo sa mga komunidad na kanila ring tinitirahan. —Jamil Santos/LBG, GMA News