Naaresto sa Laguna ng mga awtoridad ang isang magka-live in na tumangay umano ng milyon-milyong puhunan mula sa mga taong inalok nila ng face mask. Kabilang sa mga biktima ang ilang OFW, kasama ang isang babae na nanggaling sa Dubai at umuwi sa Pilipinas dahil nagkaroon ng sakit.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang mga suspek na sina Blessy Mae Alteveros at Enrico Mendoza, na nahuli sa entrapment operation ng Philippine National Police-CIDG Laguna Provincial Office.
"Napakarami nilang victims dahil nga in-demand ng face mask ngayon at binebanta 'yan online ng P100 per box, which is napakamura. So marami silang na-e-engganyo na bumili," sabi ni Police Major Leandro Guttierez.
Sa transaksyon, nanghihingi raw muna ng downpayment ang mga suspek at kapag nakuha na ang pera ay bigla nang mawawala.
Ang isang negosyante, umabot sa P5 milyon umano ang natangay ng mga suspek.
"Sobrang galing niya po magsalita sa amin. Meron siyang pinapakitang documents na mayroon siyang company," sabi ng negosyanteng itinago sa pangalang Monika.
Ang OFW naman na itinago sa pangalang Dehlia, ginamit na puhunan ang naipong P300,000 at kumuha pa ng mga kasosyo na mga OFW din para sa naturang negosyo ng face mask.
Bumalik daw sa bansa si Dehlia matapos na magkasakit pero hindi niya raw inakalang mangyayari sa kaniya ang maloko.
Tulad ni Monika, wala rin daw dumating na face mask sa kaniya matapos na makapagbigay ng pera sa mga suspek.
"Bawal sa akin ma-stress para makabalik ulit ako. Pero ang nangyari, mas na-stress po ako dito sa pangyayaring ginawa niya sa akin. Halos magmakaawa ako sa kanya na ibalik niya 'yung pera," sabi nito.
Ang masaklap pa, napagbibintangan pa raw si Dehlia ng mga kasosyo na itinakbo lang niya ang pera. Apektado rin ang kaniyang pamilya dahil araw-araw na silang nag-aaway na mag-asawa dahil sa nangyari.
Halos P2 milyon naman daw ang natangay ng mga suspek sa isang Malaysian na nakipagtransaksyon din para sa face mask.
Bukod sa face mask, nag-aalok din daw ng thermal scanner at personal protective equipment ang mga suspek, tumangging magbigay ng pahayag.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News