Pito katao ang inaresto ng mga pulis dahil sa kilos-protesta laban sa kontrobersiyal na anti-terror bill sa harap ng University of the Philippines sa Cebu City nitong Biyernes.
Sa ulat ni John Kim Bote sa "Dobol B sa News TV," sinabing inaresto ng mga pulis ang mga nagpoprotesta dahil sa paglabag nila sa quarantine guidelines na nagbabawal ng "mass gathering" dahil sa COVID-19 pandemic.
Kabilang umano sa mga dinakip ang lider ng Bayan Central Visayas.
Dinala sila sa Cebu City Police Station.
Kinondena naman ng College Editors Guild of the Philippines ang naturang pag-aresto na paglabag umano sa kalayaan sa pagpapahayag.
"This is a clear demonstration of a fascist administration's attempts to curtail our right to free speech. The threats and attacks against protesters and continuous red-tagging are outright violations of our human rights," ayon kay CEGP national president Daryl Angelo Baybado.
Kasama rin sa mga inaresto si Dyan Gumanao, dating correspondent ng ANINAW, isang alternative media group na nakabase sa Cebu.
Ayon kay Babaydo, ang ginawa pag-aresto sa kanila sa UP Cebu ay paglabag sa kasunduan ng UP-DND noong 1989 kung saan hindi maaaring pumasok sa besinidad ng unibersidad ang tropa ng pamahalaan nang walang pahintulot ng campus administration.—FRJ, GMA News