Dahil nasa ilalim na ng modified general community quarantine (MGCQ), papayagan na ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan pagtanggap ng ilang turista sa Boracay. Puwede na rin ang dine-in sa restaurant pero dapat magdala ng sariling kubyertos ang mga kakain.
Kasabay ng pagbubukas ng Boracay sa susunod na linggo, sinabi sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, na naglabas ng limang pahinang executive order ang lokal na pamahalaan na naglalaman ng mga patakaran upang masunod ang health protocols para makaiwas pa rin sa COVID-19.
Ang mga turista na may dati nang booking sa mga accredited hotel at resort ang papayagan lang muna na makapasok sa Boracay.
Apat na beach area ang bubuksan at 6:00 am hanggang 6:00 pm lang ang oras ng paliligo. Mahigpit na ipinatutupad ang social distancing sa beach.
Bawal pa rin ang pag-arkila ng mga gamit sa paglangoy tulad ng snorkeling mask at diving gear.
Ang mga kakain sa restaurant, bukod sa dapat magdala ng sarili nilang kubyertos, kani-kaniya rin dapat ng ligpit sa kanilang pinagkainan.
Ang mga establisimyento na nais nang magbukas, dapat magpaalam muna sa Department of Tourism Region VI.--FRJ, GMA News