Sinalakay ng mga awtoridad ang isang dating leisure village na ginawang "ospital" para sa mga Chinese na positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pampanga.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mayroon seven bed capacity at ilegal na botika ang dating bakasyunan na ginawang pagamutan.

Walang umanong permit sa Department of Health o Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang establisimyento para mag-operate.

Nakita rin sa lugar ang mga medical waste tulad ng mga nagamit na hiringgilya, tubes at mga plastic container na walang takip.

“Mga Chinese nationalities ‘yung mga pasyente nito. Hahanapin natin kung sino sino ‘yung mga positive dito,” ayon kay Police Brigadier General Rhoderick Armamento.

Dagdag pa ng opisyal, “Hindi natin alam na sila pala, akala nila magaling na sila pero ‘yun pala is patuloy silang nanghahawa ng virus dahil sa pagkakaalam nila, nagamot na sila ng ospital na ito.”

Nakuha rin sa lugar ang mga gamot na may Chinese labels na pinaniniwalaang ginagamit sa panggagamot sa mga COVID-19 patient.

Hindi umano nakarehistro sa Food and Drug Administration ang mga gamot.

Isang pasyente ang inabutan sa lugar, at dinala siya sa tunay na pagamutan.

Naaresto naman ang nagsisilbing "administrator" at "pharmacist" sa gawa-gawang pagamutan pero tumangging magbigay ng pahayag.

Mahaharap ang mga naaresto sa paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 at Medical Act of 1958.--FRJ, GMA News