Inanunsyo ni Cavite Governor Jonvic Remulla nitong Lunes na ipinasara niya ang mga shopping mall sa lalawigan dahil sa paglabag sa social distancing guidelines.
"LAHAT NG MALL SA CAVITE ay panandalian SARADO dahil sa kanilang pakawalang bisa ng social distancing. Sa labas Ng mall Bago magbukas; sa luob Ng mall habang operations; Wala po nakitang pinasusunod na patakaran ukol sa social distancing. Kung akala ng lahat ay kung pati sa mall ay PNP pa rin ay para na rin ninyo sinabi na kalimutan na Ang ibang trabaho at sitahin na lang ang nasa mall," saad ni Remulla sa Facebook post.
Sinabi pa ni Remulla na sarado rin muna ang mga supermarket at drug stores sa loob ng malls hanggat hindi nailalatag ang social distancing measures.
"Pasensya na sa taga bacoor, alam ko na ang malaking grocery ay nasa mall. Sandali lamang Ito hanggang maka bigay Ng plano ang may kanya ukol sa social distancing," paliwanag ng gobernador.
Ayon kay Remulla, dumagsa ang mga tao sa mga shopping mall nitong weekend.
"Karamihan Ng pumunta ay akala mauutakan ang sistema:
A. Nag employees ID Ang gamit kahit hinde duty
B. Pinagsabay ang Employees ID at q-pass para sabay ang pasyal.
C. Pumunta sa restaurant (jollibee, mcdo) kumuha Ng take-out at kumain sa luob ng mall at sa labas ng restaurant," dagdag niya.
Pakiusap ni Remulla, huwag abusuhin ng mga Caviteño ang sistema, at ipinaalala na nakapailalim pa rin sa community quarantine ang lalawigan.
"Isa po na paki-usap sa may company ID. HUWAG NINYO ABUSHIN ANG SISTEMA. Sa araw ng inyong trabaho ay kumuha ng certificate of duty mula sa HR. May palugid kami ng 1 hour before and 1.5 hours later para kayo ay maka pasok at maka uwi. Pag wala sa araw ay oras ng duty ito ay bawal gamitin para gumala. Please stay at home. Pag Ito ay abusuhin pa lalo, ay baka ikansala ko ang pribeleyo ng mga nagka sala sa work ID," pahayag ng gobernador.
Ayon kay Remulla, ang pagsasara ng mga mall ay isinagawa sa pamamagitan ng inilabas niyang executive order. Nakipag-ugnayan din umano siya sa mga alkalde kaugnay ng EO.
Mula sa 239 na COVID-19 cases noong Miyerkules, sinabi ng gobernador tumaas ito sa 275 nitong Linggo.
"Apat na araw lang kung kailan nagumpisa ang papasok ng GCQ ay halos 40 na bagong kaso. Akala ninyo ang GCQ ay FREEDOM PASS. Akala ninyo na ang pag bawas ng checkpoint ay pwede na ipagbaliwala ang mga pass para maka labas ng bahay. Akala ninyo na ang work ID ay lakwatsya pass. Ito ngayon ang aking patakaran," ani Remulla.
Aminado si Remulla na marami ang magagalit sa kaniyang desisyon na isara ang mga mall.
"Mas mabuti na galit kayo sa akin at Wala kayong Covid kaysa natutuwa kayo sa akin at nadadagdagan ang may sakit," sabi ng opisyal.
Pinayuhan ni Remulla ang kaniyang mga kababayan na sa mga grocery at botika sa labas ng mall muna mamili ang mga tao.
"Marami ang magtatanong... 'paano kung pauwi lamang sa trabaho at dumaan sa mall?’... 'Paano kung emergency?' Pasensya na kayo, inabuso ang sistema at kailangan higpitan. Marami naman grocery at drug store sa inyong bayan. Duon muna Ang kailangan bilhin. MAGBUBUKAS RIN naman pag napakita ang plano ng operators ukol sa social distancing," ayon kay Remulla.
"Tandaan, Ang Q sa GCQ ay 'Quarantine.' Hinde pa po tapos ang sakuna," dagdag niya.--FRJ, GMA News