CEBU CITY - Umabot na sa 1,660  ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Cebu City matapos itong nakapagtala ng 91 na bagong kaso ng COVID-19 nitong Martes.

Sa kabuuan siyam na ang namatay habang 32 naman ang gumaling sa COVID-19 sa Cebu City. 

Una nang inihayag ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na ang mga bagong indibidwal na nag-positibo sa COVID-19 ay dadalhin sa mga barangay isolation center. Dito sila isasailalim sa quarantine at gagamutin ng mga kinatawan ng Cebu City Health Department (CCHD).

Sa official Facebook page ng CCHD, inihayag nito na 96% o karamihan sa mga nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod ay mga asymptomatic. Nangangahulugan daw ito na na-detect nila ang virus nang maaga. 

 

 

Patuloy ang pagsasagawa ng massive swab testing  ng CCHD sa lungsod para mapigilan ang pagkalat ng naturang virus at para makapagligtas  ng maraming buhay.

Samantala, iniutos ni President Rodrigo Duterte na ilagay ang Cebu City sa ilalim ng modified enhanced community quarantine simula Mayo 16 hanggang Mayo 31. 

Nitong Lunes, ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong bansa ay umabot sa 11,086. Ang mga naka-recover mula sa bilang na ito ay 1,999 habang 726 ang namatay. —KG, GMA News