Hindi bababa sa apat ang sugatan matapos sumalpok sa isang bahay ang isang pribadong bus sa Barangay Bukal, Pagbilao, Quezon.

Ayong sa mga awtoridad, nangyari ang aksidente pasado 5:00 p.m. kanina.

Lulan ng pribadong bus ang mga overseas Filipino workers at isang seaman na uuwi sana sa bayan ng Lopez at Calauag.

Sumabog raw ang gulong ng bus sa unahan kung kaya’t nawalan ng kontrol sa manibela ang driver hanggang sa sumalpok ito sa mga bahay sa gilid ng Maharlika Highway.

Isang residente sa lugar ang napaulat na nasugatan. Wasak na wasak ang bahay.

Naipit naman ang driver ng bus.

 

 

Nagtulung-tulong sa rescue operation ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Pagbilao, Bureau of Fire Protection at lokal na pulis.

Ang mga sugatan ay isinugod sa pagamutan sa Lucena City.

Ang mga OFW at seaman na umuwi ay nakatapos na ng kanilang 14 day quarantine sa Manila.

Sa mga oras na ito ay nagpapatuloy ang rescue operation. -MDM, GMA News