Lumantad para magpaliwanag ang isang lalaki na ginamit ang kaniyang larawan sa viral meme na nagrereklamo umano na wala sa listahan ng barangay na mabibigyan ng relief goods pero nasa listahan daw noon ng anti-illegal drug campaign na Tokhang.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, natunton sa Minalabac, Camarines Sur ang lalaki sa viral meme na si Elmer Montemayor, 45-anyos.
Wala raw kamalay-malay si Montemayor na "sikat" siya sa Facebook bilang isang "adik" sa meme.
Paliwanag niya, ang larawan niya na ginamit sa meme ay kuha noong nasa Naga siya at nagtitinda, na siyang ikinabubuhay niya.
Napatingala umano siya nang sandaling iyon sa litrato dahil mayroon daw naghuhulog ng papel.
Masama ang loob ni Montemayor na pinalabas siyang adik at nasa listahan ng tokhang ng barangas na wala naman umanong katotohanan.
"Hindi dahil ganito ang itsura ko, sinisiraan niyo na ako. Hindi ako masamang tao, marangal akong tao. Masakit naman na pagbintangan ang katulad ko na inosente," saad niya.
Katunayan, bukod sa paglalako ng kung ano-anong paninda, nangangamuhan din siya para kumita ng patas tulad ng pagiging construction worker upang buhayin ang pamilya.
Inihayag din ni Montemayor na mayroon din naman daw silang natanggap na tulong sa gobyerno ngayong umiiral ang enhanced community quarantine.
Payo naman ni Victor Lorenzo, chief NBI-Cyber Crime Division, sa mga taong gagamitin ang larawan nila nang walang pahintulot, maaari silang magsampa ng reklamo.
"Kung may gumamit ng mga picture ninyo na kinuha sa social media at ginawang memes, puwedeng maghain ng reklamo sa amin. Kasi may kaukulang batas na dapat silang panagutan," ayon Lorenzo.-- FRJ, GMA News