Naaresto at kinasuhan na ang lalaking nagpaputok ng baril sa isang ambulance driver na naghahatid ng mga frontliner sa isang ospital sa Candelaria, Quezon. Ang biktima, napag-initan daw ng suspek dahil sa nakaparada niya ng ambulansya na pinagdududahang sinasakyan din ng mga COVID-19 patient.
Sa ulat ng pulisya, kinilala ang suspek na si Ramil Agno Alcantara, 45-anyos, ng Brgy. Malabanban Norte sa Candelaria. Nagtamo naman ng sugat sa kamay ang biktimang si Sofronio Agno Ramilo, 51-anyos, ng nasabi ring barangay.
Sa imbestigasyon, lumitaw na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa nang sitahin umano ni Alcantara dahil si Ramilo dahil dinadala nito sa kanilang lugar ang minamanehong ambulansiya.
Pinaghihinalaan umano ng suspek na ginagamit ni Ramilo ang ambulansiya para pagsakyan ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19, bagay na itinanggi ng biktima.
Ipinaliwanag umano ni Ramilo na nagsisilbing panghatid at sundo lamang ng mga health worker, tulad ng mga nurse, ang sasakyan papunta sa kanilang ospital. Mabusisi rin umanong nililinis ang sasakyan.
Pero bumunot umano ng baril ang suspek at nagpaputok sa ibaba at nasugatan sa isang daliri ang biktima mula sa tumalsik na bagay na tinamaan ng bala.
Dinala sa ospital ang biktima, habang naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek.
Sinampahan na si Ramilo ng reklamong frustrated homicide sa piskalya.--Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News