Pinagsasapak sa mukha ang isang lalaking bumibili lang sa isang tindahan sa Abucay, Bataan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.

Bago ang pananakit, makikitang nagpulasan ang ilang motorcycle riders sa lugar. Hinahabol pala sila ng isang grupo ng mga kabataan.

Nang hindi abutan, nilapitan ng grupo ang naiwang rider sa tindahan.

Sa pag-aakalang kasama siya ng mga hinahabol nilang rider, binugbog nila ito.

Sinubukan silang awatin ng may-ari ng tindahan pero hindi sila nakinig.

Nang bahagyang humupa ang tensyon, pinapasok ng tindero ang lalaking binugbog.

Hindi malinaw kung ano ang ugat ng gulo. —KBK, GMA News