Dahil sa pag-iingat laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), sinuspinde na muna ng lokal na pamahalaan ang eco-tourism activities sa Sagada, Mountain Province.

Nagpalabas ng kautusan si Mayor James Pooten Jr. na nagsasaad na kailangan nilang protektahan ang kanilang lugar at mga mamamayan laban sa mapanganib na virus.

Wala pang anunsyo kung hanggang kailan sarado ang Sagada sa mga turista.

Kabilang sa mga aktibidad na maaaring gawin sa Sagado batay sa impormasyon mula sa Tourist Information Center ang caves tour, hanging coffins, waterfalls at iba pa.

"Everyone is advised to remain vigilant against any signs or symptoms of the said virus," saad sa pahayag na makikita sa Facebook page Sagada Tourism.

Ayon naman sa lokal na pamahalaan, mananatili namang bukas ang mga restaurant, pottery at weaving shops, church mission compound, pati mga museo, coffee farms, sunset viewpoint, at ampanga heights sunrise viewpoint. -- FRJ, GMA News