Isang taxi driver ang dinala sa presinto matapos na magmatigas sa traffic enforcer na sumita sa kaniya dahil sa paglabag sa batas trapiko sa Baguio City. Pero nakalaya rin siya kaagad matapos umanong makialam at manindak ang isang hukom, na itinanggi naman ang alegasyon.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa dashcam video ang pagpapatigil ni Patrolman Julius Walang, sa isang taxi sa Abanao Street dahil nakakaabala umano sa daloy ng trapiko.
Sa isang pagkakataon, halos sumampa na si Walang sa hood ng taxi dahil nagtangka pa itong umalis. Tumigil lang ang taxi nang sundan ng isang motorcycle rider.
Ayon sa pulis, sinita niya ang taxi dahil nagdudulot ito ng traffic sa lugar. Hindi na raw sana niya bibigyan ng ticket ang driver pero minura siya nito.
"Sabi ko, ‘lisensya mo igilid mo, igilid mo,' ayaw niyang tumigil kaya pumunta ako sa harap niya para titigil sana pero ayaw niya pa rin. Nu'ng medyo naramdaman ko na bibilisan niya, tumalon na ako sa harap ng hood kumapit na ako doon," sabi ni Walang.
Dinala sa police station ang taxi driver na nagpositibo raw ito sa alak base sa resulta ng medico legal certificate. Pero hindi pa man nakakasuhan ng enforcer ang driver, nakaalis na ito sa estasyon nang dumating umano sa himpilan ng pulisya ang isang judge na kinalaunan ay nakilalang si Judge Roberto Mabalot.
Ayon sa pulisya, bigla na lang pumasok ang judge at kinausap ang driver. Tiningnan daw ng hukom ang medico legal certificate saka inaya ang driver palabas.
Napilitan nang mag-isyu na lang ng traffic citation ticket ang pulisya.
"Nakita ulit ni judge 'yung ticket tapos sabi niya, ‘purely traffic violation lang ito, purely fines ito, walang detention dito. So wala kayong reason na i-hold siya rito ngayon,' so umalis na po sila," sabi ni Police Staff Sergeant Sharon Pacyo, Duty Desk Officer.
"Hindi man lang kami kinausap, hindi nagtanong kung ano nangyari, basta pumunta direkta, andu'n lang kami, basta malakas 'yung boses niya kaya natememe na kami lahat, na-intimidate na kami hindi na nakapagsalita," ayon pa kay Walang.
Dismayado ang Baguio City Police Office sa ginawa ng judge, na hindi man lang umano pinakinggan ang panig ng traffic police.
Inihahanda na ng pulisya ang mga kaso na isasampa laban sa driver kabilang na ang driving under the influence of liquor, direct assault upon an agent of person in authority, resisting arrest, grave threat, at oral defamation.
"Kung sa tingin po niya wala kaming karapatan na i-detain ang tao, dapat i-contest niya ito sa proper forum, hindi ho niya basta kinuha," ayon kay Police Colonel Allen Rae Co, Director ng Baguio City Police.
"Itutuloy ko na lang po 'yung kaso dahil 'yun naman po talagang gusto ko dahil masakit rin sa kalooban ko at sa PNP na ginaganu'n mga pulis," sabi ni Walang.
Sa hiwalay na ulat, itinanggi ni Judge Mabalot, nakialam siya para makalabas ng presinto ang taxi driver.
Sa text message ni Mabalot kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, iginiit niyang hindi siya nakialam at kaya pa itong patunayan ng mga pulis.
Paliwanag umano ng hukom, isang kaanak ang tumawag sa kaniya habang nasa justice hall siya para suriin ang isang taxi unit kung totoo in-impound ito dahil sa reckless driving.
Pagdating niya sa estasyon, tinanong niya kung nagbibigay ang taxi driver ng sinumpaang salaysay nito, at tinanong din niya ang mga pulis.
Ipinakita raw ng mga pulis sa kaniya ang resulta ng mga test na isinagawa ng Baguio General Hospital Medical Center.
Nang makita niya ang resulta ng test, pinagalitan daw niya ang taxi driver na umaming nakainom ng alak hanggang 1 a.m. ng Disyembre 31.
Ayon kay Judge Mabalot, natatakot noon ang taxi driver at tinanong kung makukulong ba siya.
Sinabi niya sa driver na hindi ito makukulong dahil multa lang naman ang penalty sa reckless driving.
Tinanong niya ang pulisya kung nai-blotter na ang insidente, at sumagot naman ang isa sa kanila na tapos na itong mai-blotter.
Matapos nito, nakita niyang may citation ticket nang ibinigay sa taxi driver, kaya tinanong niya kung mayroon pa bang ibang kasunod.
Sumagot naman umano ang pulisya na wala na kaya umalis na sila sa presinto. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
