Isang estudyante ang nasaktan matapos siyang pagtulungang gulpihin ng tatlo niyang kaklase sa loob ng kanilang silid-aralan sa Tagaytay City. Ang gulo, nag-ugat daw nang magalit ang biktima matapos itago ang kaniyang bag.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, ipinakita ang kuha sa ginawang pag-atake at panununtok ng tatlong estudyante sa biktima.

Ayon sa kaanak ng biktima, nag-umpisa ang gulo nang itago ng mga lalaking estudyante ang bag ng biktima sa itaas ng blackboard.

Sa galit ng biktima,  ibinato raw niya ang basahang pambura sa blackboard,
at tinamaan nito ang isa mga nagtago ng bag.

Nagsampa na raw ng reklamo ang pamilya ng biktima laban sa tatlong estudyante.

Sinusubukan pa GMA News na makuha ng pahayag ang eskwelahan, pati na ang Department of Education kaugnay ng insidente, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News