Dalawa ang nasawi, kabilang ang isang bata, habang isa pa ang nasaktan matapos mawalan ng kontrol ang isang bus sa Carmona, Cavite. Ang isang biktima, tumalon mula sa bus habang umaandar matapos niyang makita ang driver na tumalon para tumakas.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na unang nahagip ng bus ang naglalakad na si Lily Villamor Amotes.
Dinala si Amotes sa ospital kung saan siya nagpapagaling ngayon.
Pero matapos mahagip si Amotes, nagpatuloy sa pag-andar ang bus at
nang malapit nang maipit sa trapik ang bus, tumalon daw palabas ng sasakyan para tumakas ang driver nitong si Eutiquio Oliveros.
Nakita ng pasaherong si Gemma Protacio ang ginawa ni Oliveros kaya tumalon din siya mula sa bus pero nasawi siya.
Sa patuloy na pag-arangkada ng bus, inararo ang isang truck at isang nakaparadang tricycle na may sakay na mag-amang Dexter at 12-anyos na si Andrea Ancheta.
Sinawing-palad si Andrea pero nakaligtas ang kaniyang ama.
Hindi naman nabanggit kung may nasaktan sa sakay ng truck, habang patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang tumakas na driver ng bus.--FRJ, GMA News
