Niyanig ng 6.3-magnitude na lindol ang Mindanao nitong Miyerkules ng gabi na nagresulta sa pagkakasawi ng nasa lima katao, at ikinasugat ng 17 iba.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi ni Tulunan, Cotabato mayor Reuel Limbungan, isang pitong-taong-gulang na bata na residente ng Datu Paglas, Maguindanao ang kabilang sa mga nasawi.
Sa kalapit na bayan ng M'lang, binawian naman ng buhay sanhi umano ng atake sa puso ang 40-anyos na si Tony Panangulon.
Sa Davao del Sur, dalawa katao ang sinasabing nasawi sa landslide sa Magsaysay, ayon sa hiwalay na ulat ni Mark Makalalad sa Dobol B sa News TV.
Inihayag naman ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng bayan ng Makilala na 17 katao ang nasaktan.
Isang buntis naman umano ang nakunan sa Kidapawan City dahil sa takot bunga ng paglindol, yon kay disaster risk reduction chief Psalmer Bernalte sa panayam ng GMA News TV "Balitanghali."
“Isang pregnant woman na nag-miscarriage dahil noon nagkaroon ng earthquake, natakot siya. Then, dinala siya sa hospital.Then she have undergone a cesarean operation,” sabi ni Bernalte.
Sa Kidapawan, inilabas ng ospital ang mga pasyente dahil sa paglindol.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang sentro ng lindol sa Tulunan, Cotabato.
Umabot na umano sa mahigit 90 ang naitalang aftershocks sa iba't ibang bahagi ng Mindanao.
Nagpaalala naman si Renato Solidum, pinuno ng PHIVOLCS, na maging maingat sa mga aftershock dahil maaaring maging malakas ang ilan sa mga ito na makapagdudulot ng pinsala.
"Aftershocks can happen. Some can be felt most likely in low intensities. But we cannot remove the possibility of similar intensities that can be felt in the epicentral area," paliwanag niya. — FRJ, GMA News