Isang mangingisda na naman ang nasawi matapos atakihin ng buwaya sa Balabac, Palawan. Ang buwaya, pinatay ng mga residente para makuha ang labi ng biktima na sakmal pa nito.
Ayon sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Junick Husin.
Kuwento ng kaibigan ni Husin na si Edgar Legazpi, sakay sila ng bangka at pauwi na nang atakihin sila ng buwaya, na may habang 16 na talampakan.
Tumagilid umano ang kanilang bangka at nang umahon si Legazpi, nakita niyang sakmal na ng buwaya ang ulo ni Husin.
Kaagad umano humingi ng tulong si Legzpi sa mga awtoridad matapos ang pangyayari.
Kaninang umaga, nakita nito ang bangkay ni Husin na sakmal pa ng buwaya habang papasok sa ilog.
Ayon kay Palawan Council for Sustainable Development Jovic Fabello, pinatay ng mga residente ang buwaya para mabawi ang bangkay ng biktima.
Ito na ang ikaapat na insidente ng pag-atake ng buwaya sa mga tao sa Balabac sa taong ito. Tatlo sa mga biktima ang nasawi.
READ: Batang inatake ng buwaya sa Palawan, ikinuwento kung paano siya nakaligtas
Gagawa umano ng pag-aaral ang mga awtoridad sa Balabac upang matigil na ang mga aksidente.
"Titingnan din 'yung mga buwaya at depende sa resulta ng assessment at kung may nakapagkasunduan na, may possibility na puwede kaming mag-extract ng buwaya," sabi ni Fabello.-- Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News