Na-hulicam ang pambubugbog ng isang grupo ng traffic enforcers sa isang tricycle driver sa Dumaguete City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Sa video, makikitang hinahabol at pinagsusuntok ng isang grupo ng mga traffic enforcer si Ronald Faburada.

Ayon sa Traffic Management Office ng Dumaguete, sinita raw nila si Faburada matapos na tumangging magsakay ng pasahero. Sa halip daw na huminto, nagdere-deretso lang si Faburada.

Nagmatigas pa raw ito at hinataw ng tubo ang isang enforcer.

Gumanti naman ang mga enforcer kaya nabugbog si Faburada.

Depensa ni Faburada, wala siyang hinataw ng tubo at sadyang tumanggi siya sa isang pasahero dahil masakit na ang kaniyang tiyan. Nakulong siya dahil sa reklamong indirect assault.

Pero desidido si Faburada na magsampa ng reklamo sa mga nambugbog sa kaniyang enforcer. —KBK, GMA News