Halos isanlibong kilong bangus na apektado ng fish kill ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Dagupan City noong Martes.

Ayon sa ulat sa Saksi, nasabat ang mga isda mula kay Evelyn Venancio, ang diumanong bumili ng mga bangus mula sa isang fish cage operator sa bayan ng Sual na hindi niya pinangalanan.

Giit ni Venancio, buhay pa raw ang mga isda nang hanguin ang mga ito.

Ibinaon na lamang sa lupa ang mga nasabat na bangus.

Ang fish kill ay isang pangyayari kung saan malalaking numero ng patay na isda ang maoobserbahan sa tubig.

Isa ang isyu ng fish kill sa mga tinatalakay ng pulong ng mga opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. — Julia Mari Ornedo/BAP, GMA News