Muli na namang binaha ang sikat na pasyalan na Boracay dahil sa ulan na dulot ng Habagat. Ang isang turista, nalusot pa sa butas sa kalsada at ulo na lang ang makikita.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nakamotorsiklo ang turistang babae na nahulog sa isang butas sa kalsada.
Ayon sa babae, hindi niya nakita ang butas dahil sa taas ng baha. Kaagad naman siyang tinulungan ng mga tao doon.
Bumigat din ang daloy ng trapiko sa lugar.
Naging karaniwan na ang pagbaha sa kalsada sa Boracay na ginagawa pa rin matapos simulan ang rehabilitasyon noong nakaraang taon.
Samantala, binaha rin ang limang barangay sa Santa Maria, Bulacan nitong Huwebes ng gabi dahil sa thunderstorm.
Nasa 20 pamilya ang inilikas pero pinauwi rin sila nang humupa na ang baha. --FRJ, GMA News
