Palaisipan ngayon sa mga awtoridad kung paano napunta ang isang dalawang-taong-gulang na lalaki sa loob ng isang plastic drum na may tubig sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Sa ulat ng RTV-One Mindanao sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabi ng nakakita sa biktima na mayroong takip ang drum na kinalalagyan ng bata pero hindi naka-lock.
"Wala siyang naka-lock pero nakatakip siya [drum]. Kung na-slide siya, may tendency na patiwarik siya tapos matumba ang timba," sabi ni Nixson Maglacion, nakakita sa bata.
Idinagdag niya na naka-"u" na posisyon ang bata nang makita sa loob.
Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad kung sinadya o aksidente ang pagkakapunta ng bata sa drum.
Palaisipan din sa ngayon kung papaano napunta sa lugar ang bata dahil malayo raw ito sa kanilang bahay.
Hinala naman ng mga kaanak ng biktima, may nagdala sa bata sa naturang lugar kaya hustisya ang kanilang hiling.
Samantala, isang batang babae naman ang nakita na palutang-lutang sa silong ng kanilang bahay na nasa ibabaw ng tubig-dagat sa Barangay San Juan sa Surigao City.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, naglalaro lang ang batang dalawang taong gulang sa loob ng bahay nila habang abala ang kaniyang ina sa mga gawaing bahay.
Nang mapansin ng ina na nawawala ang bata, agad niyang hinanap ang anak hanggang sa makita niya ang katawan nito na palutang-lutang na sa silang silong ng kanilang bahay.
Isinugod nila sa ospital ang bata pero idineklarang dead on arrival.-- FRJ, GMA News