May pasa sa mukha, may mga tama ng bala at nakabalot ng mga kumot at bed sheet nang matagpuan ang bangkay ng isang babae sa gilid ng Taal Lake sa Lipa, Batangas.
Sa ulat ng GMA News "Quick Response Team" nitong Miyerkoles, inilahad ng pulisya na hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na may taas na higit sa 5'1, at tinatayang nasa 40-anyos.
Nakasuot ng itim na duster at pink t-shirt ang biktima.
Hinala ng mga awtoridad, posibleng sa ibang lugar pinatay ang biktima saka itinapon sa gilid ng lawa sa Sitio Tagbakin.
Ayon kay Lieutenant Colonel Ramon Balauag, hepe ng Lipa Batangas Police, na lumabas sa SOCO report na tatlong tama ng bala sa katawan ang tinamo ng biktima.
May palatandaan din umano na iniuntog ang ulo ng biktima na tinatayang higit 12 oras at hindi bababa sa 48 oras nang patay nang matagpuan.
Gayunman, wala umanong indikasyon na pinagsamantalahan ang babae.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
