Nauwi sa trahediya ang pamamasyal sa Wawa dam sa Rizal ng isang dalagita matapos siyang mahulog mula sa tinutungtungang bato at bumagsak sa tubig. Pagkaraan ng ilang araw na paghahanap sa kaniya, nakuha ang kaniyang bangkay na nakaipit sa dalawang malalaking bato.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, nagsagawa ang rescue team ng Barangay San Rafael sa Rodriguez, Rizal ng retrieval operation ilang linggo na ang nakakalipas para makuha ang mga labi ng 13- anyos na biktima.

Hindi kaagad nakuha ang kaniyang bangkay sa ilalim ng tubig dahil sa matinding pagkakaipit ng kaniyang paa sa dalawang malaking batona nasa paanan ng Wawa dam.

Bago ang trahediya, sinabing nasa ibabaw ng batuhan ang biktima at nagse-selfie nang mahulog siya sa tubig at tangayin ng agos at ilang araw na hinanap.

Dahil hindi maaaring puwersahin ang pagkuha sa bangkay, kinailangang gumamit ng chain block ang rescue team para makuha ang biktima.

Sa taong ito, limang limang drowning incidents na umano ang naitala sa Sitio Wawa, na dinadayo dahil sa maganda nitong tanawin.

Nitong Huwebes ng gabi, isang 17-anyos na lalaki umano ang nalunod din sa lugar.

Payo naman ng mga lokal na opisyal sa mga nagtutungo sa kanilang lugar, laging mag-ingat at sumunod sa mga patakarang ipinatutupad para makaiwas sa disgrasya.-- FRJ, GMA News