Natagpuang patay ang isang babaeng Grab driver sa loob ng isang condominium unit sa lalawigan ng Rizal matapos ang ilang araw na paghahanap sa kanya.
Kinilala ang biktima na si Maria Cristina Palanca.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis batay sa isang kuha ng CCTV noong ika-23 ng Mayo, isang sasakyan ang dumating at pumarada sa isang condominium unit sa bayan ng Cainta.
Bumaba ang grab driver na si Maria Cristina, at ito na ang huling pagkakataong nakita siyang buhay.
Samantala, matapos ang isang oras —batay din sa kuha ng naturang CCTV —lumabas ang tenant ng unit na si Paolo Lagardo na sumakay ng sasakyan at minaneho ito palayo.
Matapos ang 24 oras, nag-file na ng “missing person report” ang mga kaanak ni Palanca nang hindi siya makauwi.
Pero tatlong araw pa ang lumipas bago nila nalaman ang nangyari kay Maria Cristina.
Umalingasaw na umano sa nirerentahanng unit ni Lagardo kaya iniulat na ito ng homeowners' association.
Nang siyasatin ng mga awtoridad, tumambad sa ilalim ng lababo ang bangkay ni Maria Cristina. May supot siya sa ulo at naaagnas na.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, nakapaghatid pa si Maria Cristina ng Grab rider niya mula Antipolo papuntang Mandaluyong.
Matapos nito, dumiretso siya sa unit ni Lagardo na kakilala niya ayon sa Cainta Police.
Dahil agad umalis si Lagardo sa crime scene at tinangay pa ang sasakyan ng biktima, itinuturing na siya ng pulis na primary suspect.
Patuloy ang manhunt operations para kay Lagardo. —LBG, GMA News