Bangkay na nang matagpuan ang isang barangay kagawad na papunta sa imbakan nila ng tabako matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Pilar, Abra.

Kinilala ang biktima na si Feliciano Tobias Jr., ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Sinabi ng kaniyang asawa na nagpaalam si Tobias na pupunta sa kanilang imbakan nitong Huwebes ng alas-dos ng madaling araw.

Ngunit hindi na nakarating pa si Tobias nang buhay dahil sunod-sunod siyang pinaputukan ng mga suspek.

Namataan ang biktima kinaumagahan ng mga residente na nakadapa at nakadagan sa kaniyang motorsiklo.

Dalawang baril at siyam na basyo ng bala ang nakuha sa crime scene.

Anggulong politika ang tinitingnang motibo sa pagpaslang kay Tobias, at kasalukuyang isinasagawa ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng mga nasa likod nito. — Jamil Santos/RSJ, GMA News