Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang batang dalawang-taong-gulang na naglalaro sa gilid ng kalsada matapos siyang masagasaan ng van na minamaneho ng isang pulis sa Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Leemar Jazz Ruiz, na nahuli-cam sa CCTV camera na nakaupong naglalaro sa tabi ng tumpok ng mga buhangin kasama ang dalawa pang bata sa Barangay 1.
Sa video, makikita ang van na umalog pa nang masagasaan ang biktima.
Nagkagulo ang mga residente nang makita ang nangyari sa bata, na mabilis na dinala sa ospital pero idineklarang dean on arrival.
Paliwanag umano ng pulis na driver sa mga awtoridad, nagmaniobra siya at hindi niya napansin ang biktima.
Bukod sa mga graba at buhangin sa gilid ng kalsada, may nakaparada ring tricycle sa kabilang bahagi ng daanan.
Nais ng pamilya ng biktima na mapanagot sa batas ang driver, na sumailaim na sa inquest proceedings.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng awtoridad para malinawan sa nangyaring insidente. -- FRJ, GMA News