Arestado ang dating hepe ng Tayabas City Police at dalawa pa niyang tauhan kaugnay ng pagpatay sa anak ng alkalde ng Sariaya at sa security escort nito noong Marso 14.
Ayon sa ulat ni Rida Reyes para sa "Quick Response Team" ng GMA News TV nitong Huwebes, iniharap ng Natioal Bureau of Investigation sa isang press conference ang mga suspek na sina Police Lieutenant Colonel Mark Joseph Laygo, Police Corporal Lonald Sumalpong at Patrolman Robert Legaspi.
Sinampahan sila ng kasong double murder noong Marso 23 dahil sa pagkakasangkot sa umano'y scripted na operasyon na siyang ikinamatay ng mga biktimang sina Christian Gayeta at kaniyang aide na si Christopher Marcelo.
Batay sa iba pang miyembro ng Tayabas Police na nagsilbing testigo, hindi totoong nagkaroon ng engkwentro. Dinala lang umano sa isang police checkpoint sa Tayabas ang dalawang biktima at tinaniman ang mga ito ng mga baril para mapalabas na nanlaban sila.
Pinilit din umano ni Laygo ang mga pulis na lagdaan ang affidavit para mapagtibay ang gawa-gawang engkuwentro. Binantaan daw nito ang kanilang mga buhay.
Inaalam pa ng NBI ang motibo sa pagpatay at kung may iba pang sangkot sa krimen.
Hindi naman nakapagpigil si Sariaya, Quezon Mayor Marcelo Gayeta na sikmuraan ang isa sa mga suspek nang iharap ng NBI.
Nagpasalamat siya sa mga operatiba sa paglutas ng kaso pero hiling niya na mailagay sana sa ordinaryong kulungan ang mga suspek na pulis.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang tatlo. — Dona Magsino/RSJ, GMA News
