Gulpi ang inabot ng isang lalaking nagtangkang tumangay ng isang nakaparadang motorsiklo sa labas ng isang KTV bar sa General Santos City. Paalis na kasi ang suspek dala ang motorsiklo nang makita siya ng may-ari nito na isa palang malaking 'bouncer.'

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, nakuhanan ng CCTV na nasa harap ng isang ktv bar sa Barangay Dadiangas, ang pagkuha ng suspek sa motorsiklo kasama ang isang lookout.

Pero bago sila tuluyang makalayo, dumating na ang bouncer na may-ari ng motosiklo at kaagad niyang kinompronta ang dalawang suspek.

Nang mahawakan niya ang lalaking tumangay ng kaniyang motorsiklo, binitbit niya ito, ibinagsak sa semento at saka pinagsusuntok.

Nakilala ang nabugbog na suspek na si Jan-jan Ebrahim Edon, na inaming inutusan lang siyang kunin ang motorsiklo kapalit ng pera.

Mahaharap ang suspek sa kasong pagnanakaw.

Sa Bugallon, Pangasinan naman, inaresto si Rodolfo Manaoat, ng Barangay Pantal, dahil sa pagnanakaw umano ng kalabaw.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nakatali sa likod ng bahay ang kalabaw nang kunin ng suspek.

Humingi ng tulong ang biktima sa pulisya na dahilan para maaresto ang suspek sa follow-up operation.

Ikinatwiran naman ng suspek na binili niya ang kalabaw pero wala siyang naipakitang dokumento.-- FRJ, GMA News