Umabot na sa halos P160 million ang kabuuang pinsala sa agrikultura ng El Niño sa probinsya ng Occidental Mindoro ayon sa isang opisyal ng Office of the Provincial Agriculturist.
Sinabi ni Sofronio Baranda, hepe ng Office of the Provincial Agriculturist, na Oktubre pa lang ng taong 2018 ay malimit na silang nakakaranas ng pag-uulan at nagsimula nang matuyo ang kanilang mga palayan.
Isa sa mga pinakanaapektuhan ng tagtuyot ay ang bayan ng San Jose kung saan nagdeklara na ng state of calamity nitong nakaraang buwan dahil sa matinding epekto ng dry spell.
Batay sa datos ng Municipal Agriculturist Office ng San Jose, Occidental Mindoro, umabot na ng P49 million ang pinsala ng El Niño sa mga taniman ng palay, sibuyas, at ipa pang pananim sa nasabing bayan.
Samantala, patuloy naman ang pagbibigay ng tulong ng Office of the Provincial Agriculturist sa mga magsasakang naapektuhan ng tagtuyot kagaya ng pagbibigay ng libreng krudo para sa mga makinang ginagamit sa pagpapatubig ng sakahan.
Sinabi naman ng PAGASA na magpapatuloy at posibleng mas lumaki pa ang pinsala ng El Niño sa bansa sa susunod na buwan.
Ayon sa PAGASA, makakaranas ang karamihang lugar sa bansa ng below average rainfall ngayong darating na Abril at below normal rainfall naman sa karamihang lugar sa Visayas at Southern Luzon pagdating ng Mayo.
Sinabi pa ng PAGASA na kahit 'weak' El Niño ang nararanasan sa bansa ay makakaapekto pa rin ito sa agrikultura at mga palaisdaan. —DVM/KG, GMA News