Patay ang isang lalaking sangkot sa basag-kotse modus na nahuli-cam na nagbubukas ng isang sasakyan. Ang suspek, manlaban daw sa mga pulis sa isinagawang hot pursuit operation sa Talavera, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang napaslang na suspek na si Francisco Valenzuela.

Makikita sa isang video ang suspek habang pinupuntirya ang isang multicab. Ilang saglit pa, binuksan na niya ang bintana ng sasakyan, saka inilusot ang kalahati ng kaniyang katawan at ini-unlock ang pinto nito.

Nang makapasok na sasakyan, nakitang may isinusuksok siya sa bulsa nang umalis.

Hindi raw ito ang unang beses na nagnakaw ang suspek. Kabilang daw sa napagnakawan nito ang sasakyan ng isang empleyada habang nakapara sa Barangay Poblacion Sur.

"Madami na palang nabiktima ito. So, nag-o-operate din 'yung grupo nila sa Cabanatuan, dito rin sa San Jose, sa Muñoz," sabi ni P/Supt. Alexie Desamito ng Talavera Police.

Sa isinagawang hot pursuit operation, pumalag daw si Valenzuela kaya napatay ng mga awtoridad.

Hindi lang daw nag-iisa sa modus ang suspek pero nakatakas ang kasamahan nito, ayon sa pulisya.

"Nu'ng sitahin nu'ng responding police officers natin, biglang kumaripas 'yung isa, 'yung isa pumutok agad. So, 'yun nagbakbakan na," sabi pa ni Desamito.

Nabawi ang isang baril, ilang basyo ng bala at dalawang sachet ng shabu sa crime scene.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News