Arestado ang 30 na suspek nang salakayin ng mga awtoridad ang tagong drug den sa Barangay San Nicholas 1, Bacoor, Cavite.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Martes, kabilang sa mga nahuli ang mga nanay na bitbit pa raw ang kanilang mga anak habang bumabatak sila ng droga.

Ayon kay Police Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor police "'Yung kaliwa-kanan niyan, sagingan at talahiban at ang daming spotter. Ginawan natin ng paraan para hindi mabulabog sila kaya nakuha natin 30 gumagamit sa area na iyon."

Sa kabuuan, umabot sa 36-katao ang naaresto sa mga operasyong kontra-droga sa Cavite.

Kabilang dito ang isang big-time pusher sa lungsod na naaresto sa hiwalay na operasyon sa Bacoor.

Kita sa surveillance footage ng pulisya ang pag-repack ng droga na nangangahalaga ng P400,000 habang gumagamit ng droga ang mga suspek.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act. 

Ayon kay Police Superintendent William Segun, Provincial Director ng Cavite police: "Tinunton natin sa pamamagitan ng mga cellphone na na-kumpiska sa kanila kung sino ang mga pinagkukunang sources ng mga ito."

Pareho raw ang pinagmulan ng kinumpiskang droga sa isang operasyon sa General Trias, Cavite na ibiniyahe sa dagat mula sa Mindanao.

Ayon kay Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde, "Ang tinitignan natin dito kung papano nata-transport ito from Mindanao here in Luzon."

Pinangunahan ni Albayalde ang tunover ng nasa 30 na bagong sasakyan at sniper at assault rifles na idinonate sa Cavite Provincial Police Office para mas mapalakas pa ang kanilang operasyon kontra-droga.

"The more we sustain our operations on drugs, the lesser crimes committed, they are inreversely proportional." sabi ni Police Chief Superintendent Edward Carranza, Regional Director ng PNP-Region 4A. — Margaret Claire Layug/RSJ, GMA News