Huli sa CCTV ang pamamaril sa isang negosyante sa Subic Bay Freeport Zone nitong Miyerkoles, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Biyernes.
Naganap ang pamamaslang sa tapat ng isang hotel kung saan malapitang binaril sa ulo ang biktimang kinilalang si Dominic Sytin.
Bagama't nakaganti ng putok ang bodyguard ng biktima, nakatakas pa rin ang suspek at sa halip ay nabaril pa nito ang bodyguard na sugatan sa insidente.
Si Sytin ay isa sa mga may-ari ng United Auctioneer Incorporated.
Batay sa imbestigasyon, hindi lang iisa ang suspek na tumakas lulan ng isang motorsiklo.
Bunsod ng insidente, mas lalo pang pinag-igting ang seguridad sa Freeport. —KBK, GMA News