Nanutok at nagpaputok ng baril ang isang lalaki sa Bacoor, Cavite nang dahil sa alitan sa paggarahe ng sasakyan.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa Balitanghali Weekend ng GMA News TV nitong Linggo, nakunan ng CCTV ang pag-awat ng ilang kamag-anak kay Rommel Alonzo na nagwawala sa tapat ng bahay ng nakaalitang si Megdonia Bermudez.

Maya-maya pa, bumunot siya ng baril at itinutok sa kapatid ni Bermudez na si Sharrie Gabriel na wala naman daw kinalaman sa away.

Natapos ang gulo matapos umawat ang mga kamag-anak ng magkabilang kampo.

Bago ang insidente, nakunan ng isa pang CCTV ang komprontasyon nina Alonzo at Bermudez.

Makikita sa video na umaawat ang ina ni Alonzo.

Hindi nakita sa video pero apat na beses umanong nagpaputok ng baril sa lupa si Alonzo.

Isang basyo ng bala ang ipinakita ng mga Bermudez sa GMA News. Galing daw ito sa gilid ng kalsada kung saan nangyari ang insidente.

Nag-ugat daw ang insidente sa nakaharang na sasakyan ni Alonzo sa driveway ng loteng binabantayan ng mga Bermudez.

"Galing po ako ng school, nag-park ako dito. Actually naka-park din siya dito. May dadaan po na tricycle na kamag-anak niya, aalis po. Ang ginawa ko inalis ko po yung kotse dahil may dadaan na tricycle, hindi ko po alam na ginising na siya ng kamag-anak niya para tanggalin niya 'yung sasakyan niya dito sa tapat para makadaan talaga 'yung tricycle," paliwanag ni Bermudez.

"Napuno na ako. 'Di ko na alam 'yung ginagawa ko. Bagong gising pa. Pinagmumura pa ako. Siyempre, ano magiging rekasyon ko?" pahayag ng inirereklamong si Alonzo.

Walang nasaktan sa insidente pero sinampahan na ng mga kasong attempted murder, grave threat, alarm and scandal, at illegal discharge and possession of firearm si Alonzo.

Dagdag pa ni Bermudez, miyembro ng Bacoor Public Order and Safety ang nakaalitang kapitbahay.

Nilinaw naman ni Alonzo na 2017 pa siya umalis sa trabaho sa munisipyo at isinauli na rin niya ang hiniram niyang baril na ginamit sa insidente.

Haharapin daw niya ang mga isinampang kaso sa tamang panahon. —Dona Magsino/KG, GMA News