Nahulog ang SUV sa isang patubig sa Plaridel, Bulacan na ikinasawi ng dalawang lalaki noong Lunes.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa "QRT," hindi na nasagip pa ang driver na si Ram Dela Cruz at kasama niyang si Emerson Medina kahit binasag na ang bintana ng sasakyan nilang nahulog sa patubig.
Nailigtas naman ang dalawa pa nilang kasama.
Nawalan ng kontrol ang driver sa hindi pa malamang dahilan hanggang sa mahulog ang sasakyan sa patubig, ayon sa imbestigasyon ng mga pulis
Sabi ng mga opisyal ng barangay, hindi ito ang unang pagkakataon na may nahulog sa nasabing patubig, pero ngayon lang may namatay.
Makikipag-ugnayan na ang mga opisyal sa pamunuan ng National Irrigation Administration para maiwasan na ang ganitong disgrasya. — Joviland Rita/ LDF, GMA News