Natagpuang wala nang buhay sa kanilang bahay ang isang 13-anyos na babae sa Santa Barbara, Pangasinan. Isang kapitbahay nila ang inaresto at itinurong suspek sa krimen pero ang mismong ama ng biktima ang itinuro niyang pumatay sa biktima.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Cheeny Cruz, na nadiskubre na lang daw ng pamilya na na nakahandusay sa loob ng kanilang bahay sa barangay Cablong.
Dinakip naman at ikinulong ang kapitbahay ng biktima na si Rogelio Banda matapos siyang ituro ng pamilya na huling nakitang pumasok sa bahay.
Pero itinanggi ni Banda ang paratang at sa halip ay itinuro ang ama ng biktima na si Mariano, isang retiradong pulis, na umano'y nasa likod ng krimen.
"Wala naman akong kasalanan talaga, 'di ako pumatay. Yung magulang niya po. Maaring pinagbuntungan siya ng galit ganun," giit ng suspek.
Sabi naman ng ama ng biktima, "Pagdating, pagbalik ko sa bahay, narinig ko sumisigaw si misis ko na pinatay si Chenchen."
Hindi pa malinaw sa pulisya ang tunay na nangyari dahil magkakaiba ang salaysay ng suspek pati na ng mga magulang ng biktima.
Hinihintay pa ng pulisya ang autopsy report sa bangkay ng biktima at patuloy ang pagkalap ng mga ebidensiya.
Ang kapatid ng dalagita, humihiling ng agarang hustisya para sa biktima.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News