Nahuli-cam ang pagbundol ng isang humaharurot na truck sa mag-inang tumatawid sa pedestrian lane sa Davao-Bukidnon Road, Davao City.

Sa ulat ni RGil Relator sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, makikita sa CCTV ng Barangay Tugbok na hawak ng ina ang kaniyang batang anak habang tumawid sa pedestrian lane.

Sa hindi kalayuan, makikita rin ang truck na sa halip na magbagal ay nagdire-retso ang takbo hanggang sa mahagip niya ang mag-ina na malapit nang makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada.

Ayon sa ulat, maayos na ang lagay ng bata, pero patuloy na ginagamot sa ospital ang ina dahil sa mga tinamong sugat.

Nasa kustodiya na naman ng pulisya ang driver ng truck, at nangako ang kumpanyang nagmamay-ari ng truck na aakuin ang gastusin ng biktima sa ospital.

Iginiit ng City Transport and Traffic Management Office na dapat binagalan ng drayber ng trak ang takbo dahil malapit na ito sa pedestrian lane.

"Kung ikaw driver nakita mo na may pedestrian lane, dapat i-reduce mo na ang speed mo. I-reduce mo sa tamang speed na kung sakaling may tumawid kaya... Kaya mong mapahinto talaga," sabi ni Dionisio Abude, chief ng CTTMO.

Nag-deploy na ang Davao City Police Office ng mga tauhan sa mga paaralan para maiwasan ang mga katulad na insidente.

"Especially sa malalaking paaralan para mag-manage sa mga tatawid at paaralan around 6 o'clock in the morning until 8:30, mayroon ding magma-manage ng traffic," sabi ni P/Sr. Insp. Ma. Teresita Gaspan, spokesperson, DCPO.

Bukod dito, dadagdagan din daw ang mga traffic sign sa mga kalsada.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News