Nahukay ng mga awtoridad ang nakabaong marijuana bricks na nagkakahalaga ng mahigit P1 million sa bakuran ng bahay ng dalawang suspek sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat ni GMA News stringer Rommel Ramos sa "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabi ring nahuli ang dalawang suspek na umano'y may-ari ng nakabaong kilo-kilo ng dried marijuana sa bayan ng Balagtas.
Kinilala ang mga suspek na sina Ahmed Guevarra at Jervin Santos.
Hindi na umano nakapalag ang dalawa nang isinagawa ng mga awtoridad ang buy-bust operation.
Bukod sa pitong bricks ng dried marijuana leaves na nahukay sa bakuran, nakumpiska rin mula sa dalawa ang isang pipa at marked money.
Ayon sa mga pulis, tumitimbang ng 1 kilo ang bawat brick.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Bulacan police, galing pang lalawigan ng Kalinga ang kontrabando.
Tikom naman ang bibig ng mga suspek sa kung sino ang kanilang supplier at mga parokyano.
"Medyo malaki po ang kaniyang papel sa paglaganap ng illegal na droga, partikular na sa marijuana dito sa ating probinsiya," pahayag ni Police Senior Superintendent Chito Bersaluna ng Bulacan PNP.
Nakakulong sa sa Balagtas Police Station ang mga suspek. —LBG, GMA News