Patay na nang matagpuan ang anim na magkakaanak na pinagtataga at sinaksak ng salarin sa loob ng kanilang bahay sa San Leonardo, Nueva Ecija. Masuwerte namang nakaligtas at hindi sinaktan ang dalawang bata na edad isa at lima.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na ilan sa mga biktima ang halos humiwalay ang ilang parte ng katawan nang makita sa kanilang bahay sa Barangay Tambo-adorable kaninang madaling araw.
"'Yun pong may tama sa leeg, 'yun talagang laslas na po na parang tinaga po talaga," ayon kay Police Chief Inspector Ranny Casilla, hepe ng San Leonardo police.
"Wala na po sa tamang pag-iisip yung gumawa po nun," dagdag niya.
Nakaligtas naman sa krimen ang dalawang batang edad isa at lima.
"Siguro po dahil natutulog po itong pamilya [at] 'di naman po siguro gumagalaw 'yung mga bata na na-recover natin kaya 'di na po sila ginalaw ng suspek," ayon kay Casilla.
Nadiskubre ang krimen nang makatakbo sa kapitbahay ang isa sa mga biktima para humingi ng tulong.
Kuwento ng kapitbahay, natutulog siya nang may tumagan sa kaniya na isa sa mga biktima na duguan na ang humihingi ng tulong.
Nang tanungin umano niya ang biktima na nagtamo ng malalim na sugat sa bandang leeg at putol ang mga daliri, kung sino ang salarin, doon na raw ito nawalan ng malay.
Sinabi naman ng isang tricycle driver na isang lalaki na galing sa bahay ng mga biktima ang sumakay sa kaniya at nagpahatid sa kalapit na bayan ng Sta. Rosa.
Idinagdag ng driver, bagaman amoy alak ang lalaki, kaswal lang umano ang kilos nito kaya hindi niya napag-isipan na sangkot pala sa malagim na krimen.
Bago ang krimen, sinabi ng mga kapitbahay, na nag-inuman ang ilan sa mga biktima. Hindi pa batid ng mga awtoridad kung kakilala ng mga ito ang salarin.-- FRJ, GMA News