Kritikal ang kalagayan ngayon ng isang construction worker matapos siyang silaban ng kaniyang kainuman sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Daniel Cuevas, na nasunog ang buong katawan.
Lumitaw na nag-iinuman ang biktima at ang suspek na Antonio Casas nang nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Hinambalos umano ni Casas sa ulo si Cuevas gamit ang isang tubo na dahilan para mawalan ng malay ang biktima.
Kasunod nito ay binuhusay umano ng suspek ng thinner ang biktima at saka sinilaban bago tumakas.
Ayon sa mga kapitbahay ng biktima, bago ang krimen ay may naikuwento si Cuevas na may katrabaho siyang may galit umano sa kaniya.
Pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad si Casas. -- FRJ, GMA News