Patay ang isang call center agent matapos pagbabarilin ng ama ng babaeng kaniyang nililigaw sa Bacolod City. Ayon sa suspek, hindi niya gusto ang biktima para sa kaniyang anak.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktimang call center agent na si Bernie Casidad, 31-anyos.
Naaresto naman ang suspek na si Eduardo Diego, na sinasabing umamin sa ginawa niyang krimen.
Ayon sa pulisya, nadatnan ni Diego sa kanilang bahay ang biktima na kasama ang anak.
Dahil hindi raw boto ang suspek kay Casidad kaya pinagbabaril niya ito gamit ang kalibre .38 baril.
Namatay ang biktima matapos magtamo ng anim na tama ng bala.
Nahaharap sa kasong murder ang suspek.-- FRJ, GMA News