Isang 4-anyos na batang babae na naglalaro sa gilid ng kalsada ang nasawi matapos siyang maatrasan ng truck sa Agoo, La Union.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Diana Marie Miranda, na hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Depensa naman ng driver, hindi raw niya napansin ang batang naglalaro sa likuran ng truck dahil walang pahinante na umalalay sa kaniya habang inaatras ang sasakyan.
Nangako ang driver na sasagutin niya daw ang gastusin sa pagpapalibing sa bata.
Samantala sa San Pablo, Laguna, sinalakay ng isang grupo ng termite gang ang isang rural bank at tinagay ang tinatayang nasa P1 milyon.
Ayon sa pulisya, humingi raw ng tulong ang janitor ng bangko nang hindi niya magawang buksan ang pinto.
Nang rumesponde ang mga awtoridad, tumambad sa kanila ang mga nakaharang na kahoy sa pinto, ang tunnel na pinaghukayan ng termite gang, at sirang vault ng bangko.
Nakita rin ang mga kagamitan na pinaniniwalang ginamit sa grupo sa paghuhukay.
Sa Dumaguete City naman, nasawi ang isang barangay chairman matapos siyang pagbabarilin habang nasa Christmas party.
Kinilala ang biktima na si Leonardo Magasenio, na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Nakatakas naman ang hindi pa matukoy na salarin.
Posibleng away sa lupa ang motibo sa pagpaslang, at dati nang nakatanggap ng mga pagbabanta sa kaniyang buhay ang biktima, ayon sa pulisya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News