Hindi nagpaawat ang isang babae sa pagkompronta sa isang babae na hinihinala niyang kalaguyo ng kaniyang mister. Ang away nila sa kalye, umabot hanggang sa pedicab o padyak na kanilang sinakyan habang umaandar.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nakunan sa CCTV nitong nakaraang linggo ang paghaharap ng dalawang babae sa Baao, Camarines Sur.

Makikita sa video footage na sinuntok ng isang babae ang inabangang babae na pumara naman ng pedicab.

Nang sumakay sa padyak ang babaeng sinuntok, bigla ring sumakay ang babaeng nanuntok at nagpatuloy ang iringin nila habang umaandar ang padyak.

Kuwento ng babaeng sinaktan na humiling na huwag banggitin ang kaniyang pangalan, nag-ugat ang away nila sa akusasyong nakikipagrelasyon siya sa asawa ng nanakit, na nakilalang si Elonor Bayra.

Giit niya, walang katotohanan ang paratang laban sa kaniya kaya idedemanda niya si Bayra.

Si Bayra naman, iginiit na karelasyon ng kaniyang asawa ang babae at nahuli raw niya ito.

Patuloy naman na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente. -- FRJ, GMA News