Isang lalaki ang nakunan sa surveillance camera sa loob ng isang punerarya sa Legazpi City, Albay na nagnakaw ng abuloy sa patay at ilang gamit habang natutulog ang bantay.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, makikita sa video ang suspek na maingat na naglakad nang pumasok sa loob ng isang may nakaburol at nilapitan ang lagayan ng abuloy.
Nang makita na may laman ang lalagyan ng abuloy, kinuha niya ang pera at ibinulsa.
Ninakaw din ng hindi pa nakuntentong suspek ang cellphone ng natutulog na bantay.
Matapos nito, lumabas muna siya sandali, pero bumalik din sa loob at kinuha pa ang bag ng biktima.
Lumabas ang suspek ng chapel na parang walang nangyari.
Hindi raw nagkulang sa pagpapaalala ang pamunuan ng funeral parlor sa mga nagrenta ng chapel na mag-ingat sa mga masasamang-loob.
"Ang lock and key po, binibigay na po namin before po sila mag-occupy ng chapel," ayon sa isang nangangasiwa sa chapel.
Naireport na sa pulisya ang nangyari at patuloy na tinutugis ang suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News