Sa gilid ng kalsada inabot ang panganganak ng isang buntis sa Tabango, Leyte, kung saan isinilang niya ang isang lalaking sanggol.
Sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing naglakad si Jovelyn Lauron mula sa bukirin hanggang highway para sana pumunta sa kalapit na munisipyo, ngunit naramdaman niyang manganganak na siya.
Hindi na siya umabot sa ospital, kaya ang asawa niya na lang na si Gervacio ang nagpaanak sa kanya.
May nakakita naman sa kanila sa daan kaya agad silang narespondehan at napadala sa pagamutan.
Malusog ang lalaking sanggol na isinilang ni Lauron. — Jamil Santos/RSJ, GMA News