Nagluluksa at naghihinanakit ang ina ni Rosevelt Sorema, alyas 'Ponga,' ang "person of interest" sa Bulacan massacre na pinagbabaril sa kanilang bahay nitong Miyerkules ng umaga sa San Jose Del Monte sa nabanggit na lalawigan.
Sa radio DZBB report ni Manny Vargas, itinanggi ni Gng Rosario, ina ni Sorema, na gumagamit ng droga ang kaniyang anak.
Binaril ng nakatakas na salarin na nakasuot ng helmet at maskara si Sorema dakong 11:00 a.m. (Basahin: Isa pang 'person of interest' sa Bulacan massacre, pinatay sa loob ng bahay)
Ayon sa ina, naglalaba siya at nagluluto ang anak nang pasukin ito ng salarin at pagbabarilin.
Nang pumasok siya sa bahay, nakita umano niyang may tama ng bala ang kaniyang anak at agad na dinala sa ospital pero binawian din ng buhay.
Iginiit ng nakatatandang Sorema, na inosente ang kaniyang anak sa paratang na sangkot sa pagpatay kina Auring Carlos, anak na si Estrella, at tatlong batang anak ni Estrella noong nakaraang linggo.
Lagi umanong sumasama ang kaniyang anak tuwing iniimbitahan ng pulis para tanungin tungkol sa nangyaring karumal-dumal na krimen.
Itinanggi din niya na gumagamit ng droga ang anak. "Kung 'yan ay adik, pinabayaan na niya ang pamilya niya. Napakabait po ng anak ko."
Dagdag pa ni Rosario, nasa kabilang bahay na ang kaniyang anak ngunit lumipat sa sa kanya dahil sa takot na siya ay papatayin.
"May narinig siya na mga sabi sabi na, 'mag-ingat kayo, 'wag kayong palabas-labas at uubusin ang lahi niyo,'" kuwento ni Gng Rosario.
Naghihinanakit din ang misis ni Sorema na si Jonna, at iginiit na kasama niya ang asawa nang nangyari ang masaker.
"Walang kuwenta sila lahat. Walang kasalanan asawa ko. Kasama ko siya buong magdamag noon," ayon kay Jonna, na kapatid ni Carmelino "Miling" Ibañes, ang pangunahing suspek sa masaker.
Giit niya, sila ang nagsabi noon na nakita nila ang kaniyang kapatid ko na naliligo nang mangyari ang krimen.
"Walang kasalanan ang asawa ko. Tulungan n'yo kami," panawagan niya.
Nitong Martes, nakita ang bangkay ng isa ring "person of interest" sa masaker na si Ronaldo Pacinos, alyas Inggo, na putol ang apat na daliri at tadtad ng saksak ang katawan.
BASAHIN: Iniuugnay sa Bulacan massacre na si Alyas Inggo, nakitang patay
Kabilang si Pacinos sa mga itinuro ni Ibañes, na kasama umano niya nang gawin ang pagpatay sa mga biktima.
Bukod kay Pacinos, pinangalanan din ni Ibañes ang isang alyas Tony na hindi pa ulit nakikita.
Patuloy ring nawawala ang isa pang "person of interest" sa kaso na si Alvin Mabesa, at nangangamba ang kaniyang pamilya para sa kaligtasan niya.
Inihatid na sa kanilang huling hantungan nitong Miyerkules ang mga biktima ng masaker.-- Jamil Santos/ FRJ/KVD, GMA News