Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang mga rider ng dalawang motorsiklong nakasagasa sa isang babae na tumatawid sa pedestrian line sa Bulacan. Ilan pang insidenteng kinasangkutan ng mga motorsiklo, nahuli-cam.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Lunes, ipinakita ang kuha sa CCTV ng barangay Tikay sa Malolos, Bulacan, ang pagtawid ni Mary Grace Sampaga, 19-anyos,  nang bigla siyang salpukin ng isang motorsiklo.

Nang matumba sa gitna ng kalsada, isa pang motorsiklo ang nakasagasa sa kaniya.

Ang isa sa mga nakasagasang rider,  sinamahan pa raw ang biktima sa ospital bigla ring nawala.

Panawagan ng pamilya ng biktima,  sumuko ang dalawa at tulungan nila sa gastusin sa pagapagamot si Sampaga, na nagtamo ng mga sugat at galos sa katawan dahil sa nangyaring insidente.

Ayon sa Malolos police,  may lead na sila kung paano matutunton ang isa sa dalawang rider at inihahanda na ang reklamong isasampa sa kaniya.

Samantala,  nakunan din sa CCTV ang pagsalpok ng isang rider na mabilis ang takbo at wala suot na helmet, sa isang mag-inang na naglakad sa gilid ng kalsada.

Sa kabila nang nangyari,  basta na lang umalis ang rider na parang walang nangyari, ayon pa sa ulat.

Ayon sa inang nabangga, natunton nila ang rider at nagkaharap na sila sa barangay.

Nagbigay umano ang rider ng P4,500 na kulang daw para sa pagpapagamot nilang mag-ina.

Isang babae rin ang nasapol ng motorsiklo sa Novaliches, Quezon City habang tumatawid sa pedestrian sa Quirino Highway.

Hindi kaagad nakatayo ang babae dahil sa inindang sakit pero tinulungan naman daw ng rider ang biktima. -- FRJ, GMA News