Nadaragdagan ang mga naglalakas-loob na tumakas mula sa lugar ng bakbakan sa Marawi City lalo na sa mga lugar na tanaw ng mga sniper ng Maute group. Ang isang lalaking Kristiyano, nagbihis daw ng itim para magmukhang tagasuporta ng ISIS para hindi targetin ng mga asintadong terorista.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ikinuwento ni Ian Torres kung papaano niya nalusutan ang mga sniper ng Maute.
"Paglabas namin nag-disguise kami na ISIS. Nagsuot kami ng itim, nagmaskara kami, pagkatapos gumapang kami papuntang ilog," pahayag niya.
Bagaman nakalusot sila mga sniper ng Maute, posibleng malagay naman sila sa panganib mula naman sa mga asintado sa tropa ng pamahalaan.
Kaya naman ang ginawa raw nila, "Pagdating sa ilog, hinubad namin yung damit na itim kasi baka matamaan kami ng mga sundalo."
Nakatawid din sa ilog si Junjun Hilarmo at isa pang katrabaho papunta sa puwesto ng militar.
Si Hilarmo ay kasamahan ng limang Kristiyanong nakapanayam ng GMA News nitong Martes na itinago ng 19 na araw ng kanilang Muslim na amo.
Sa grupo nila na 17 tumakas, pito na silang nakaligtas, lima namatay, at lima pa ang nawawala.
Nangangamba raw sila sa kalagayan ng kanilang among si Abdullatiph Gani na kinuha umano ng mga terorista.
Samantala, naging madamdamin naman ang muling pagkikita ng mag-asawang Saipoding at Geraldine Mariga, na nagkahiwalay nang dahil sa bakbakan.
Una raw inilikas ni Saipoding ang kaniyang mga anak nang sumiklab ang gulo at hindi na siya nakabalik sa kanilang bahay dahil matindi na ang labanan kung saan naiwan ang kaniyang asawa.
Nang malaman ni Saipoding na nasagip na ng militar ang kaniyang maybahay na naipit sa bakbakan sa loob ng 22 araw, kaagad siyang nag-abang sa harap ng City Hall nitong Martes ng gabi, at lumipat sa infirmary ng kapitolyo.
Pero laking lungkot niya nang malaman na hindi sakay ng ambulansiya ang kaniyang asawa.
Sinikap naman ng mga kinauukulang opisyal na humanap ng paraan upang magkita na kaagad ang mag-asawa at hindi na paabutin ng bukas.
At nang magkita na ang dalawa, naging madamdamin ang sumunod na mga tagpo.
Kaagad na inoperahan si Geraldine matapos magtamo ng tama ng bala sa binti at mga sugat sa ilang bahagi ng katawan.-- FRJ, GMA News
