Sa pag-usbong ng modernong teknolohiya at social media, maraming tradisyunal na laro ng lahi ang tila hindi na alam ng mga kabataan ngayon.

Sa ulat ng "News To Go" nitong Martes, ipinakita kung papaano binuhay ng Camarines Sur Polytechnic Colleges ang mga tradisyunal na laro, na hindi lang maganda sa pangangatawan ng mga kabataan, mabuti rin sa kanilang pakikisalamuha sa kapwa.

Kasabay ng selebrasyon sa Araw ng Kalayaan, ginawa ang pagbuhay sa mga tradisyunal na laro gaya ng patintero, palo-sebo, chinese garter, agawang buko, at sungka.

Ang mag-aaral na si Niño Elcarta, ikinatuwa na naging bahagi siya sa pagbuhay sa mga larong bihira nang ginagawa ng mga kabataan dahil nakatutok na lang sa internet.

Ayon kay Dr. Dulce Atian, presidente ng CSPC, ginawa nila ito para mabigyan-diin ang kahalagahan ng kulturang Pinoy, sa harap ng mga pag-usbong ng social media at teknolohiya na kinahuhumalingan na ngayon ng mga kabataan.

Ilan pa sa mga sikat na tradisyunal na laro ng lahi na magandang maipaalala sa mga kabataan at kanila rin sanang ma-enjoy ay ang tumbang-preso, syato, piko, holen, sipa, luksong-baka at iba pa.

Ikaw, ano ang paboritong mo sa mga tradisyunal na laro? -- FRJ, GMA News