Nasawi ang isang lalaking call center agent na papasok na sana sa trabaho nang mabundol siya ng kotseng nakikipagkarera umano sa Cebu City.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Banilad kaninang madaling araw.

Sa kuha ng CCTV camera, madidinig ang malakas na ingay ng gulong na tila nagpreno. Kasunod nito ay nagkagulo na ang mga tao, hanggang sa makitang nakahandusay sa kalsada ang biktima.

Lumalitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nabundol ang biktima ng isa sa dalawang sasakyan na nagkakarera umano sa lugar.

Isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na nailigtas ang kaniyang buhay.

Papasok na sana sa trabaho ang biktimang call center agent nang mangyari ang trahediya.

Ayon sa awtoridad, nakitang lumipat ang nakabanggang driver sa isa pang kotse at umalis. Pero hindi rin nagtagal, isang kaibigan umano ng suspek ang bumalik sa lugar at inaresto siya.

Sasampahan ang naarestong driver ng reklamong obstruction of justice at pagmamaneho ng nakainom, Hindi siya nagbigay ng pahayag.

Patuloy namang hinahanap ang driver na siyang nakasagasa sa biktima.

Reklamong reckless imprudence resulting in homicide, damage to property at abandonment ang kaniyang kakaharapin.—FRJ GMA News