Inihayag ng Malacañang nitong Lunes na tuluyan nang nakalaya ang 17 Pilipino na inareso sa Qatar dahil sa ginawang pagtitipon nang walang permiso.
''Ito po ay talagang tinutukan ng Pangulo para po mabigyan po ng tulong ang 17 na kababayan natin dito sa Qatar... Ito nga po ang naging resulta, na-dismiss na po ang kaso at mapalaya po sila,'' sabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing.
Nang tanungin si Castro kung anong reklamo ang isinampa laban sa mga Pinoy na ibinasura, saad ng opisyal, ''Sa atin pong pagkakaalam, ito iyong illegal assembly.''
Ayon kay Castro, personal na umapela si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamahalaan ng Qatar para sa pagpapalaya sa 17 Pinoy sa pamamagitan ni Ambassador of Qatar to the Philippines Ahmed Saad Al-Homidi.
''So, dahil nga po sa pakikipag-usap ng ating Pangulo sa gobyerno po ng Qatar sa pamamagitan po ni Qatari ambassador, napagbigyan po tayo na ang ating kapuwa Pilipino na nahuli o na-detain ay makalaya po at hindi na po masampahan ng kaso,'' paliwanag ni Castro.
Nasa desisyon na umano ng mga pinalayang Pinoy kung nais nilang umuwi o patuloy na magtrabaho sa Qatar.
Nitong nakaraang linggo, inihayag ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, binigyan ng provisional release ng gobyerno ng Qatar ang 17 Pilipino habang patuloy na pinag-aaralan ang kanilang ginawang illegal assembly.
Una nang sinabi ng Department of Foreign Affairs na ang pagtitipon ng mga Pinoy ay maaaring ginawa bilang pagtutol sa ginawang pagdakip kay dating pangulong Rodrigo Duterte, na kinalaunan ay dinala sa International Criminal Court sa The Hague dahil sa kinakaharap na kasong crime against humanity. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News
